ILOILO CITY– Hindi pa rin matukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng hinihinalang pinuno ng New People’s Army (NPA) matapos ang naganap na engkwentro sa pagitan ng militar at grupo ng mga rebelde sa Sitio Burak, Brgy. Alomodia, Miag-ao, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Commander Sesinando Magbalot Jr., commanding officer ng 61st Infantry Batallion ng Philippine Army, sinabi nito na isa ang namatay sa panig ng NPA samantala, wala namang naitalang sugatan o namatay sa panig ng militar.
Ayon kay Magbalot, ang bangkay ay nakasuot ng pantalon, itim na damit at naka sumbrero na mayroong pulang bituin.
Pinaghihinalaan ng militar na ang NPA na kanila nakasagupa ay ang grupo ni Joven ‘Ka Lex’ Ceralvo ng NPA-Panay Southern Front Committee.
Ani Magbalot, maaaring iisang grupo lang ang nakalaban ng militar sa Brgy. Alimodias at Brgy. Mulangan, Igbaras, Iloilo.
Narekober naman sa encounter site ang mga bala at magazine ng M16 rifle, claymore mines, flag at ilang gamit ng NPA.