LEGAZPI CITY – Lomobo pa sa mahigit P8 bilyon o kabuuang P8,044,950,042 ang pinsalang iniwan ng bagyong Tisoy sa sektor na agrikultura at imprastraktura sa Bicol region.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Bicol Dir. Claudio Yucot sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, binubuo ito ng mahigit P4.6 billion sa sektor ng imprastraktura habang mahigit P3.3 billion naman sa agrikultura.
Subalit ayon sa opisyal, hindi pa man nakakabangon ang mga Bikolano dahil sa epekto ng naturang sama ng panahon, nadagdagan na naman ang pinsala dahil sa epekto ng nagdaang bagyong Ursula sa lalawigan ng Masbate.
Paliwanag ni Yucot na maraming mga kabahayan ang nasira dahil sa bagyong Ursula habang naapektuhan rin ang pananim ng mga magsasaka.
Maaalalang sa hiwalay na panayam kay Masbate Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Emerito Junie Castillo, sinabi nitong 50,000 pamilya umano ang nananatili pa rin sa makeshift shelters dahil sa bagyong Tisoy habang paubos na ang quick response fund na ginagamit ngayon ng mga lokal na pamahalaan sa relief assistance.