-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kinumpirma ng bise alkalde ng Sto Nino, South Cotabato na nakatanggap ng banta sa buhay si Mayor Pablo Matinong bago ito binaril-patay ng mga suspek.

Ito ang ibinunyag ni Vice Mayor Sulpicio Villalobos sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Villalobos na bayaw rin ng pinatay na alkalde, nakatanggap ng death threat si Matinong bago siya pinatay nitong alas-8:00 ng umaga habang nagsasagawa ng inspeksiyon sa isa sa mga proyekto sa bahagi ng Purok Libertad, Barangay Poblacion kung saan nasugatan pa ang isa sa mga testigo na kaniyang kausap.

Sa ngayon nagpapatuloy ang paghahanap sa riding-in-tandem criminal na nakunan naman ng CCTV footage.

Samantala, ipinangako naman ng bise alkalde na ipagpapatuloy ang nasimulan ni Matinong sa pag-upo nito bilang alkalde ng bayan.