BACOLOD CITY – Nanindigan ang misis ng pinatay na dating alkalde ng Ayungon, Negros Oriental, na ninakaw ng mga suspek ang kanilang pera matapos pinaslang ng mga ito ang dating opisyal sa kanilang bahay sa Barangay Tampocon I, nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon sa ngayo’y biyuda ni dating Mayor Edsel Enardecido na si Myka, hinalungkat ng mga armadong kalalakihan ang kanilang mga gamit matapos pinatay ang kanyang mister.
Nakapagtago pa sana ang dating alkalde sa likod ng pintuan ng kanilang kuwarto ngunit nakita ito ng mga suspek at binaril ng ilang beses.
Matapos tuluyang nasawi, kinuha umano ng mga suspek ang mga cellphone nilang mag-asawa at binuksan ang vault kung saan nakatago ang kanilang pera na nasa P20,000.
Ito raw ay sahod sana sa mga empleyado sa kanilang negosyo na hauling ng silica sa Ayungon, pati na rin sa kanilang plantasyon ng tubo.
Maliban dito, sinasabing tinanggal din ng mga suspek ang closed circuit television camera sa harap at likod ng kanilang bahay.
Ayon naman sa pinsan ng dating alkalde na si Marlou, tinatayang 40 lalaki ang pumasok sa bahay ng ex-mayor kung saan pinatay din si Leo Enardecido na lumabas lamang matapos makarinig ng putukan.
Hindi rin daw bababa sa apat na van ang sinakyan ng mga suspek bilang getaway vehicles.