-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Bago nasawi si Libungan North Cotabato Mayor Christopher “Amping” Cuan ay matagal na nitong sinabi na may banta sa kanyang buhay.

Unang binaril ang alkalde sa harap ng municipal hall ng isang sniper ngunit nakaligtas ito at tinamaan ang isang kawani ng LGU-Libungan.

Sinabi ni Mayor Cuan na hindi siya natatakot dahil wala namang siyang ginawang masama at atraso o kaaway.

Nais lamang daw ng alkalde na maglingkod sa taumbayan at umunlad ang bayan ng Libungan.

Patunay nito ang napakaraming proyekto at programa sa bayan ng Libungan.

Tumanggap din ng maraming parangal at pagkilala ang bayan ng Libungan dahil sa magandang pamumuno ni Mayor Cuan.

Una nang pinabulaanan ni Mayor Cuan na sangkot siya sa pinagbabawal na droga at nalinis na niya ang kanyang pangalan sa pulisya at PDEA.

Matatandaan na kararating lang ng alkalde mula sa Davao City at dumiritso na ito sa itinayong sabungan sa Barangay Cabaruyan nang sundan ng apat na mga armadong kalalakihan at pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan.

Nakalabas pa si Mayor Cuan at driver sa sasakyan ngunit muli silang niratrat ng mga suspek.

Patay on the spot ang mga biktima nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Tumakas ang mga suspek sakay rin ng SUV patungo sa direksyon ng Alamada, Cotabato.
Pagkatapos ng SOCO investigation ay dinala pa ang mga biktima sa pagamutan para sa post mortem examination ng mga doktor.

Hustisya ngayon ang sigaw ng LGU-Libungan,mga pamilya at kaibigan sa sinapit ni Mayor Amping.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Cotabato PNP sa pamumuno ni Colonel Henry Villar sa naturang kaso.