(Update) LA UNION – Itinakda bukas, araw ng Miyerkoles, Nobyembre 13, ang paghahatid sa huling hantungan ng pinaslang na RTC Judge na si Mario Anacleto Bañez.
Alas-2:00 ng hapon bukas, dadalhin ang labi sa SLC chapel para sa sagradong misa bago ihimlay sa isang pribadong sementeryo sa San Juan, La Union.
Magugunitang pinatay ng mga suspek na riding-in-tandem si Judge Bañez habang sakay ng kanyang kotse, sa kalsada sa Barangay Mameltac dito sa syudad noong hapon ng Martes, Nobyembre 5.
Kahapon naman, araw ng Lunes, binisita at nagsagawa ng vigil ang mga katrabaho ng hukom sa korte, sa kanilang bahay sa Barangay Dallangayan Oeste, SFC, La Union.
Samantala, nilinaw na hindi na dadalhin pa ang bangkay ng hukom sa kanilang lugar sa Tadian Mt. Province dahil gahol na sa oras at ililibing na bukas.
Hanggang ngayon ay wala pang nakikitang paglilinaw sa nasabing krimen at hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng binuong Task Force Bañez.