BACOLOD CITY – Nanawagan ang gobernador ng Negros Occidental na huwag magpanic kasabay ng kumpirmasyon na may dalawang katao sa lalawigan na itinuturing na person under investigation (PUI) sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 NCOV-ARD).
Nitong tanghali lang kinumpirma ni Governor Eugenio Jose Lacson na ino-obserbahan na ngayon sa isang ospital ng gobyerno ang isang foreign national (Canadian) at isang Filipina na itinuturing na PUIs.
Ang lalaki aniya ay mayroong travel history sa Taiwan habang ang babae naman ay nakapunta rin sa Hong Kong nitong nakaraan.
Boluntaryo sanang magpapa-admit sa isang pribadong ospital ang foreigner ngunit bilang pagsunod sa protocol, nilipat ito sa isang government facility.
Inihayag ng gobernador na noong nakaraang Biyernes pa naka-isolate sa pagamutan ang foreigner habang nitong Sabado naman ang babae at magkasama na ngayon ang dalawa.
Kinuhaan din ng samples ang dalawang PUIs at ipinadala na sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) at bukas inaasahan ang paglabas ng resulta laboratory test ng lalaki habang sa Miyerkules naman ang sa babae.
Ngunit kahit dalawang PUIs na ang narekord sa Negros Occidental, inihayag ni Governor Lacson na hindi dapat ito pagsimulan ng takot ng publiko dahil sinususpetsahan pa lang ang dalawa at hihintayin pa ang resulta sa kanilang tests.