-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Hindi mapigilan ng isang caregiver na mapaluha habang nananawagan na ipagdarasal sila sa bansang Israel na sana babalik na sa normal ang sitwasyon.

Nasa gitna siya ng paglalahad sa sitwasyon doon sa Israel nang makarinig ng abiso na lumipat sa bomb shelter dala ang kanyang alaga na isang matandang babae.

Ayon kay Bombo International Correspondent Everlina Dela Cruz sa Israel, maliit lamang ang nasabing shelter subalit triple ang kapal nito.

Naawa umano ito sa mga kasamahang caregiver na nakatira sa mga lumang bahay na walang bomb shelter.

Sinabi din nito na lima sa kanyang alaga ang nakatanggap ng tawag mula sa gobyerno at pinarereport na para maging sundalo.

Doon umano sa Israel tatlong taon na magsisilbi bilang sundalo at pagkatapos ay maaari ng magtrabaho.

Subalit sa pagkakataong ito ay obligado ang lahat na sumama sa sundalo.