-- Advertisements --

Ikinokonsidera ng gobyerno ng Indonesia na ilipat sa piitan sa Pilipinas ang Pinay na nasa death row na si Mary Jane Veloso.

Ito ang inanunsiyo ng Legal at Human Rights Ministry ng Jakarta na itinuturing na biggest breakthrough sa loob ng 14 na taong kampaniya para maiuwi na sa bansa si Veloso.

Ipinahiwatig ng Indonesia na papayagan nito ang Pilipinas na gumawa ng mga desisyon sa hinaharap kaugnay sa posibleng pagpapataw ng clemency kay Veloso sa oras na mailipat na ito, na maaaring magbigay daan naman sa tuluyang paglaya ng Pinay.

Sakali man na katigan ang request na mailipat si Veloso sa PH, patuloy na isisilbi ng Pinay ang kaniyang natitirang sentensiya sa bansa na subject sa mga kondisyon na itinakda ng ruling ng korte sa Indonesia.

Ginawa ang naturang anunsiyo matapos ang official visit ni Philippine Ambassador to Indonesia Gina Alagon Jamoralin sa Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration at Correction ng Indonesia noong Lunes kung saan tinalakay ang estado ng kaso ni Veloso na nasa death row mula pa noong taong 2014 matapos maaresto noong 2010 sa Yogyakarta Airport makaraang madiskubre ang 2.6 kilo ng heroin sa kaniyang bagahe. Subalit nanindigan ang Pinay na inosente siya mula sa akusasyon laban sa kaniya.

Samantala, itinuturig naman ng private lawyer ni Veloso at chairperson ng National Union of People’s Lawyers, na si Atty. Edre Olalia ang naturang development na isang malaking oportunidad para maiuwi ito sa bansa at tinawag na isang “novel at unprecedented option”.