-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpasaklolo sa Bombo Radyo Vigan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia para sa isang domestic helper (DH) sa Qais Bin Salim Area 91, Dammam, dahil daw sa hindi makataong pagtrato sa kaniya ng mga amo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Marilou Cabotage, miyembro ng Saklolo ng mga OFWs Worldwide at taga-Aquib, Narvacan, Ilocos Sur, matagal nang nagtratrabaho sa Saudi, sinabi nito na mayroon siyang direct contact sa nasabing DH na nais nitong matulungan.

Ang naturang kababayang DH ay 29-anyos na taga- Ilagan City, Isabela, na isang taon at apat na buwan pa lamang sa kaniyang trabaho.

Ayon kay Cabotage, nitong August 15 ay sinubukan ng babaeng amo ng biktima na pasukan ng mineral water bottle ang ari nito at saka nilagyan ng chili powder.

Pinakain din daw mismo ng chili powder ang biktima at hinubaran para kuhanan ng video.

Noong August 20 naman ay pinaalis umano ng amo nitong babae ang biktima ng walang saplot at tanging tuwalya lamang ang ginamit nitong panakip sa kaniyang katawan.

Sa ngayon, pinapanatili ni Cabotage ang komunikasyon nito sa DH at pinayuhan na huwag magpahahalata sa kaniyang mga amo na nagpapasaklolo ito sa kapwa Pilipino.