Hangad umano ng mga Pilipinang domestic helper na mga miyembro rin ng isang dragon boat team na baguhin ang pagtingin sa kanila ng komunidad sa Hong Kong.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Liza Avelino, tubong Panabo, Davao del Norte at founder ng Filipino Dynamos team, nakararanas pa rin daw kasi sila ng diskriminasyon sa mga mamamayan sa lugar.
Kaya naman, nais ngayong isulong ni Avelino na maging bahagi sila ng komunidad ng Hong Kong at ayaw nilang maramdaman na sila’y bukod sa mga taga-roon.
“Ang objective po namin, sa akin mismo, maiangat ang respeto ng mga taga-Hong Kong sa kapwa namin domestic helper. So I want to empower other domestic helpers na you have to be confident,” wika ni Avelino.
Umapela rin si Avelino ng dasal at suporta kasunod ng nakatakda nilang pagsabak sa isang paligsahan sa darating na Linggo.
Sinabi ni Avelino, bagama’t malaking pagsubok sa kanila ang isang araw lamang nilang ensayo kada linggo para sa kompetisyon, hindi raw nila ito alintana dahil pangalan ng bansa ang kanilang dinadala.
“Gusto ko pong magkaroon ng kabuluhan ang pag-stay ko dito hindi lamang po para sa sarili ko, sa pamilya ko, pati rin po sa kapwa ko Pilipino, na maalaala po nila kami na we did something good,” ani Avelino.
Batay sa ulat, mahigit 100,000 umano ang mga Pinay domestic workers sa Hong Kong, na ang layunin ay masuportahan ang kani-kanilang pamilya.