-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Sinusulit ng Pinay fashion designer sa Miami, Florida ang mga araw na nananatili sila sa kanilang bahay sa pamamagitan ng pagtatahi ng face masks na libreng ibibigay sa mga health workers sa estado kasabay nang banta ng coronavirus disease.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Kirsten Regalado, customized at fashionable ang kanyang ginagawang face mask.

Kabilang sa mga tumanggap nito ay ang mga kasamahan ng kanyang mister na isang nurse sa Nicklaus Children’s Hospital sa Miami at iba pang mga kakilala nito sa ibang estado na pinapadalhan sa pamamagitan ng mail.

Aminado si Regalado na mabagal ang pagdating ng washable masks sa mga recipients dahil apektado rin ang mailing services sa Amerika.

Ngunit tiniyak nito na sanitized ang mask bago niya tahiin at bago ipadala sa mga recipients.

Aniya, magpapatuloy ito sa paggawa ng mga face masks hanggang mapagod upang may kabuluhan din ang kanilang pananatili sa bahay dahil sa coronavirus pandemic.

Kung matapos na aniya ang outbreak, magagamit pa rin ang face mask dahil convertible ito sa maliit na pouch.