Pasok na sa 2024 Paris Olympics ang Pinay Fencer na si Samantha Catantan matapos itong magwagi sa Asian and Oceania Olympic Qualification Tournament sa Fujairah, United Arab Emirates nitong Sabado ng gabi.
Kahit may iniindang sakit sa tuhod, nagawa ni Catantan na ipanalo ang finals laban sa kinatawan ng Kazakhstan na si Sofia Actayeva sa score na 15-14.
Ayon sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), 34 taon nang walang kinatawan ang Pilipinas sa fencing sa Olympics kaya nagpaabot ito ng pagbati sa atleta. Si Catantan ay dating atleta sa UAAP na naglaro para sa University of the East.
Dahil dito, siya na ang ika-12 Pinoy na atleta na kwalipikado para sa 2024 Paris Olympics. Makakasama niya rito ang pole vaulter na si Ej Obiena; ang mga boksingerong sina Nesthy Petecio, Aira Villegas, at Eumir Marcial; gymnasts na sina Carlos Yulo, Aleah Finnegan, at Levi Jung-Ruivivar; gayundin ang weightlifters na sina Vanessa Sarno, Elreen Ando, at John Ceniza; maging ang rower na si Joanie Delgaco.