Tinanghal na kampeon ang Pinay figure skater na si Skye Frances Patenia sa Mandani Cup Malaysia National Open Figure Skating Championship na ginanap sa Kwala Lumpur, Malaysia. Nakuha nito ang gintong medalya sa senior women’s category kung saan nakalaban nito ang mga figure skater mula sa naturang bansa.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 21-year-old na si Patenia, ibinahagi nito ang kanyang ginagawang training sa bawat kompetisyon na kanyang nilalahukan kung saan sa senior women ay meron itong dalawang programs, ito ang short at long program na every season ay pwede nilang palitan ang kanilang mga routines at kailangan nila itong praktisin ng paulit-ulit.
Sinabi nito na mahalaga ang bawat kompetisyon na kanyang nilalahukan dahil ito ang tumutulong para ma-boost ang kanyang confidence. Malaking tulong rin umano ang suporta na kanyang nakukuha sa kanyang pamilya, mga kaibigan at coaches upang mabalanse ang pagiging atleta at estudyante.
Ilan sa mga hamon na kanyang kinaharap ay dalawang beses itong nakaranas ng food poisoning na malaking epekto sa kanyang kalusugan at pangangatawan. Gayunpaman, lubos ang pasasalamat nito dahil bago ang kumpetisyon ay gumaling na ito at nakapaguwi pa ng medalya.
“I am really happy to represent the Philippines and bring home the gold. I came from another competition before that, it was the Oceania international. It was a back-to-back competition and having Oceania as my first competition, it was nerve wracking. I haven’t been competing internationally a lot recently since I’m also in college and I have also priorities. Being able to bring home the gold for the Philippines, it felt really nice.”
Ito na ang ikalawang kompetisyon na nilahukan ni Patenia ngayong taon. Kabilang dito ang Oceania International Figure Skating Competition sa Melbourne, Australia kung saan ito ay naging 4th place sa senior women’s category.
Sunod naman nitong paghahandaan ang kompetisyon sa huling bahagi ng buwan sa Japan at ang Southeast Asian Trophy sa susunod na buwan.