-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Napag-alaman na Pinay worker ang pinakaunang nagpositibo sa coronavirus disease sa Carson City, California.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Celeste Baldes Callada, tubong Rapu-rapu, Albay at may permanent residency na sa Carson, sinabi nito na nagtatrabaho bilang home care nurse ang nasabing Pilipina.

Maliban sa nasabing Pinay marami na ring Overseas Filipino Workers (OFW) sa California ang tinamaan ng virus matapos na ma-expose sa mga COVID-19 positive.

Karamihan kasi umano sa mga nagtatrabahong OFW sa lugar ay nurse, doktor o may kinalaman sa medical field.

Mahigpit naman ang ipinatutupad na social distancing sa estado at pagsusuot ng face mask sakaling lalabas ng bahay upang bumili ng mga pangangailangan.

Ipinagpapasalamat naman ni Callada ang malaking suporta ng US government sa bawat pamilya sa pamamagitan ng stimulus package kung saan makakatanggap ng $1200 ang mga mag-asawa at $500 sa mga anak.

Wala aniyang pinipiling pamilya sa ayuda basta’t legal na residente o empleyado ng US.