-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ibinahagi ng isang Pinay ang hirap na nararanasan ngayon ng kaniyang pamilya dulot ng krisis na kinakaharap ng bansang Sri Lanka.

Sa eksklusibong Panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Gng.Bernadette Hettiarachchi, tubong Cebu na nakapag-asawa ng Sri Lankan at limang (5) taon nang naninirahan sa nabanggit na bansa, survival ang ginagawa nila sa ngayon.

Ayon kay Bernadette, simula pa noong buwan ng Abril ay pahirapan na ang kanilang hanapbuhay dahil kakulangan ng suplay ng produktong petrolyo.
Negosyante umano ng “coconut shell” ang kaniyang asawa ngunit hindi na sila makapagdeliver dahil sa kawalan ng krudo at sobrang mahal ng mga bilihin.

Sa ngayon hindi na umano sila bumibili ng bigas at kumakain na lamang ng “kamoteng kahoy”, saging, mga tanim na gulay upang mabuhay at makasurvive.

Ngunit, aminado pa rin si Ginang Bernadette na hindi kayang magsurvive ng kaniyang dalawang anak na 4 na taon at 6 na buwan pa lamang kung tatagal pa ang krisis na ito.

Umaasa umano sana sila ng tulong mula sa gobyerno ngunit pinahihirapan pa sila sa pagpaparehistro sa kanilang mga anak at may babayaran kaya’t mas pinili niya na huwag na lamang mag-avail nito.

Nais din umano niya na umuwi ng bansa kasama ang pamilya ngunit nahihirapan sila.

Sa ngayon, panawagan nit okay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tulungan silang mga Pinoy na nasa Sri Lanka.