-- Advertisements --

Nagkamit ng gintong medalya sa 2024 World Taekwondo Junior Championships ang pambato ng bansa na si Tachiana Mangin.

Ito ang unang gintong medalya na nakamit ng bansa sa nasabing torneo na ginanap sa Chuncheon, South Korea.

Tinalo ni Mangin ang pambato ng host country na si Hyanggi Kim sa deciding round ng 49 kgs. finals sa score na 7-6.

Bago ang deciding round ay nakuha ni Mangin ang panalo sa unang round 14-8 habang nakabawi si Kim sa ikalawang round sa score na 4-3.

Nakapasok sa semis ang pambato ng bansa matapos na umatras ang nakatakdang kalaban sana nito na si Lamprini Anna Asimaki ng Greece dahil sa injury.