Nag-uwi ng tatlong gintong medalya ang Pinay Jiu-Jitsu athlete na si Joanne “Bogs” Bognadon sa Abu Dhabi Jiu-Jitsu Pro Tour Philippines 2023 na ginanap sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. Dinomina nito ang lahat ng mga kategorya na kanyang linahukan kabilang na ang Gi, No Gi at Absolute Division. Ang Abu Dhabi Jiu-Jitsu Pro ay isa sa mga renowned jiu-jitsu organizations sa mundo.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Cordilleran athlete, inamin nito na nahirapan siya sa kanyang weight category dahil marami siyang malalakas na kalaban, gayunpaman nagpasalamat ito dahil naging matagumpay ang kanilang ginawang game plan at mga adjustments. Ikinagulat din nito ang fastest submission na kanyang nagawa sa isa sa mga kategorya na kanyang linahukan kung saan natapos ang laban sa pamamagitan ng armbar sa loob lamang ng limang segundo.
“Ang technique ko, hindi na nag-eengage para sa takedown, more on nagpu-pull guard ako para ipunta na natin yung game sa grounds. Kasi kung nakiki-engaged pa ako na makipagbatuhan, it takes time pa na mapunta pa sa ground ‘yung game. Nagpu-pull guard ako and then kapag nakuha ko na ang kamay or any na pwede for submission, kukunin ko na ‘yung pagkakataon na iyon. Very grateful ako kasi tatlong gold ang naiuwi ko sa No Gi, GI at absolute division.”
Si Bognadon ay bahagi ng team Matzone ng CheckMat Jiu-Jitsu Philippines kung saan nakapag-uwi ang mga ito ng anim na gold, dalawang bronze at tinanghal na 3rd place overall team sa naturang kompetisyon.
Ang 2023 AJP Tour Philippines-National Jiu-Jitsu Championship ay nilahukan ng nasa halos 350 na mga atleta, kabilang na dito ang Philippine Jiu-Jitsu community at mga fighters mula sa Asia, Europe, Australia, America at Africa.