-- Advertisements --

CEBU CITY – Nagpapatupad ng mahigpit na monitoring ang state government ng Minnesota sa Estados Unidos sa mga mamamayan nito dahil sa nagpapatuloy na banta ng global crisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ulat sa Bombo Radyo Cebu kay Bombo International Correspondent Daniel Quindao Guden, sang-ayon sa mga otoridad ay may dalawa nang patay sa lugar kung saan isa nito ay 80-anyos na Pinay na may kamag-anak na doktor.

Mayroon na ring mahigit 40 ang nasa hospital at nasa mahigit 300 ang kaso ng COVID-19 sa nasabing estado.

Kaugnay nito, apektado ang ilan sa mga trabaho lalong-lalo na sa mga non-essential jobs kung saan nakakaapekto sa mga trabahante ang naturang sitwasyon.

Bagama’t apektado ang lahat sa banta ng COVID-19, ayon kay Guden, walang namang hinto ang pagpapaabot ng gobyerno sa mga kinakailangang tulong ng mamamayan kabilang na ang mga nawalan ng trabaho.

Samantala, tiniyak naman ng bawat Pinoy sa Minnesota ang kanilang kaligtasan mula sa ilang mga krimen na lumilitaw dahil sa COVID-19.

Ayon kay Guden, may mga kaso na umano ng “physical injury” sa ilang bahagi ng Estados Unidos kung saan kabilang sa mga naging biktima ay galing sa Asian countries gaya ng China at South Korea.

Maliban sa physical injury, may kaso na rin umano sa mga krimen na dulot ng survival strategies ng iba sa naturang sakit.

Hindi naman umano pinalagpas ng mga otoridad ang naturang pangyayari kabilang na ang mga negosyante na nanamantala sa sitwasyon gaya ng pagbebenta umano ng gamot na ginagamit naman ng iba bilang lunas sa kumplikasyon ng COVID-19, bagay na hindi naman aprubado sa Food and Drug Administration ng lugar.