BACOLOD CITY – Kinumpirma ng Philippine Consulate sa Dubai na kabilang ang isang Pilipina sa 17 namatay sa fatal bus crash na nangyari sa Mohammad Bin Zayed road sa Dubai noong June 8.
Sa mensaheng, ipinadala ni Philippine General Consul Paul Cortes sa Star FM Bacolod, kinilala ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Marie January Ventura-Gallardo, 37-anyos na tubong Isabela, pero nagtatrabaho bilang physical therapist sa Jaalan Bani Bu Hassan Hospital, sa South Sharqiyah, Sultanate of Oman.
Si Gallardo ay agad na dinala sa Rashid Emergency and Critical Care Department sa Rashid Hospital sa Dubai ngunit ideneklarang dead on arrival.
Kinilala naman ng kanyang kapatid na lalaki ang bangkay ng biktima.
Ang Assistance to Nationals section ng Philippine Consulate General in Dubai and Northern Emirates ay nakikipag-ugnayan na sa pamilya ni Gallardo para sa repatriation ng kanyang labi.
Si Gallardo ay isang taon nang nakatira sa Oman at nagtungo lang sa Dubai para sana mag-celebrate ng Eid holidays nang mangyari ang aksidente.
Nabatid na ang tourist bus na kanyang sinasakyan ay bumangga sa isang sign board barrier sa Al Rashidiya exit pagkatapos inokupa nito ang lane na hindi para sa mga bus.
Ayon sa report, mabilis ang pagpapatakbo ng driver na dahilan ng malakas na impact.
Lulan ng bus ang 31 na pasahero na kinabibilangan ng iba pang nationalities tulad ng German, Irish, Indian, at Omani.
Naulilan ng nasabing OFW ang kanyang dalawang anak.