Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang isang 37 anyos na Pinay na nakabase sa Riyadh, Saudi Arabia ang nasawi sa Hajj pilgrimage dahil sa heatstroke bunsod ng matinding init ng panahon.
Ayon kay DFA Secretary Eduardo De Vega, inilibing na noong araw ng Miyerkules ang nasawing Pinay.
Batay naman kay Philippine Embassy Chargé d’Affaires Rommel Romato na ang nasawing Pinay pilgrim ay mula sa Western Mindanao na nagtratrabaho bilang dental assistant sa Riyadh. Nakibahagi ito sa pilgrimage kasama ang isang grupo ng iba pang overseas Filipino workers mula Riyadh. Nasa ligtas namang kalagayan naman ang nalalabing OFWs na lumahok.
Umaabot aniya sa 5,100 Pilipino ang sumama sa pilgrimage ngayong taon na isa sa 5 pillars ng Islam na obligadong makumpleto ng mga Muslim.
Samantala, nagpadala na ang DFA ng isang team sa Saudi Arabia para umalalay sa Philippine Embassy sa Riyadh para imonitor at asistihan ang Hajj pilgrims.
Sa kasalukuyan, lumagpas na sa 1,000 ang napaulat na bilang ng nasawing pilgrims mula sa iba’t ibang nasyonalidad na lumahok sa Hajj Pilgrimage ngayong taon.
Noong araw ng Lunes, pumalo sa 51.8 degrees celsius ang temperatua sa holiest city ng Islam na Mecca.