BAGUIO CITY – Hanggang ngayon ay nasa state of shock pa rin ang overseas Filipino worker (OFW) na nakakita at nakakuha ng video sa halos pag-araro ng isang kotse sa grupo ng mga Pinoy domestic workers sa isang mall sa Singapore.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Nora Galla Dapuyen Bua-ay, tubong Kalinga at mahigit isang dekada nang nagtatrabaho sa Singapore, sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi pa ito makapaniwala sa nakita niyang pag-araro ng itim na kotse sa mga nakaupong Pinay sa labas isang mall sa Lucky Plaza.
Aniya, muntik na itong madamay sa aksidente kung hindi nagpumilit ang kasama nitong umalis sila sa naturang lugar.
Bagamat nagpapasalamat si Bua-ay sa pagkakaligtas ay labis naman itong nabahala at nalungkot nang makita at makuhanan pa ng video a nasabing insidente.
Ayon naman kay Margie Butardo, tubong Bani, Pangasinan at OFW rin sa Singapore, halos hindi niya mailarawan ang insidente.
Dagdag niya na nakagawian ng mga Pilipino ang tumambay at magtipon-tipon sa Lucky Plaza tuwing Linggo kung saan karamihan sa kanila ang naka day-off.
Maaalalang inararo ng isang sasakyan ang anim a magkakaibigan sa Lucky Plaza sa Singapore habang sila ay naka-picnic.
Patay sa insidente sina Arlyn Nocus, tubong Caba, La Union at si Abegail Leste ng Tuguegarao City habang kritikal umano ang kalagayan nina Edna Limbaoan ng Isabela at Arcely Nocus habang inoobserbahan sina Demet Limbaoan at Laila Laudencia na parehong tubo ng San Fernando City, La Union.