Pinayagan muli ang pamilya ng Pinay na nasa death row na si Mary Jane Veloso na makadalaw at makapiling nito ang kaniyang pamilya matapos ang limang taon mula ng huli silang bumisita dahil sa kasong kinakaharap nito na drug trafficking ayon sa kumpirmasyon ng alliance of overseas Filipinos and their families.
Sa isang statement, sinabi ng Migrante International na bumisita ang magulang at mga anak ni Veloso sa detetntion facility sa Yogyakarta, Indonesia sa loob ng dalawang araw.
Inihayag naman ng ina ni Veloso ang kasiyahan at pagkasabik na muling makita ang kaniyang anak pagkatapos ng matagal na panahon.
Umaasa naman ang nakatatandang anak ni Veloso na mabigyan na ito ng clemency sa lalong madaling panahon para makasama na nila ang kanilang ina.
Samantala, nananawagan naman ang Migrante International Chairperson Joana Conception sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr na gumawa ng proaktibong aksiyon at umapela sa gobyerno ng Indonesia na gawaran na ng clemency si Veloso.
Kung matatandaan, noong 2010 na-convict si Veloso sa kasong drug trafficking matapos na mahulihan ng 2.6 kilos ng heroin at senentensiyahan ng death penalty.
Nangako naman ang Marcos administration na ipagpapatuloy nito ang paghingi sa gobyerno ng Indonesia ng commutation o pardon para sa pagpapalaya kay Veloso.