Isa nanamang Pilipino ang posibleng mapabilang sa hanay ng mga Santo ng Simbahang Katolika.
Ito ay matapos na aprubahan ng bishops sa isinagawang episcopal conference sa Diocese of Kalibo ang request ni Bishop Renato Mayugba ng Laoag na pag-aralan ang posibilidad na gawing santo ang 13 anyos na Pinay na si Niña Ruiz-Abad na pumanaw dahil sa sakit sa puso noong 1993.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) si Abad ay nagpakita ng malalim na debosyon sa Eukaristiya at nagpamahagi ng mga rosaryo, bibliya, prayer books, holy images at iba pang relihiyosong bagay.
Sinabi ni Bishop Mayugba sa inilathalang artikulo ng CBCP na sa panahon ni Abad, ang mga nagawa nito para mag-evangelize o magturo ng Ebanghelyo ay hindi pangkaraniwan para sa isang batang babae.
Sinabi din ng Obispo na ang buhay ni Niña ay madasaling buhay, puno ng paggalang, pananampalataya at malalim na relasyon sa Diyos, kay Hesu Kristo, Espiritu Santo at sa Inang Birheng Maria.
Kayat kasunod ng pag-apruba ng mga obispo, sisimulan na ang pormal na imbestigasyon sa naging buhay ni Abad kabilang ang pagkalap ng mga impormasyon at pakikipanayam sa mga nakatunghay sa nagawa ni Abad at nakakakilala sa kaniya.
Posible naman aniyang abutin ng ilang taon bago ang posibleng desisyon mula sa Roma kaugnay sa beatification at canonization ni Abad.
Si Abad ay isinilang at lumaki sa Quezon city subalit lumipat ang kaniyang pamilya at nanirahan sa Sarrat, Ilocos Norte noong Abril 1988.
Nagtapos si Abad bilang top sa kaniyang klase at nag-aral ng first year high school sa Mariano Marcos State University Laboratory School.
Nakahimlay ang labi ni Abad sa public cemetery sa Sarrat, Ilocos Norte.
Una ng idineklarang Santo ang mga Pilipino na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod