BAGUIO CITY – Nakakaranas umano ng trauma ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Korat, Thailand na tubong Tabuk City, Kalinga pagkatapos itong ma-trap sa isang mall na sinugod ng isang nagwawalang sundalo.
Iniulat ni Bombo international correspondent Aldrin Baloquing, kabilang siya sa mga huling nakalabas sa mall na Terminal 21 kung saan nag-amok si Jakrapanth Thomma pagkatapos ng 10 oras na pagka-trap niya sa gusali.
Aniya, una rito bumili sila ng mga pasalubong para sa kaibigan niyang uuwi dito sa Pilipinas sa basement ng mall at pagkatapos nito ay tumaas sila nang may nakita silang nagkakagulo sa labas.
Sumunod nito ay may narinig na silang putok ng baril.
Dahil sa language barrier, hindi nila maintindihan ang mga sinasabi at sinisigaw ng mga tao doon kaya’t nakisama na lang daw sila sa mga ito.
Itinago raw sila ng isang staff ng mall sa stock room ng gusali.
Laking pasasalamat naman niya dahil may nakasama sila sa stock room na nakakaintindi ng English.
Dito na niya nalaman na may hinostage raw ang sundalo na 10 indibidwal ngunit nahihirapan ang mga otoridad na iligtas ang mga hostage dahil may bomba umano sa kanilang mga katawan.
Naikwento pa ni Baloquing na hinostage ni Thomma ang mga sibilyan sa mismong grocery na pinagbilhan nila ng mga pasalubong.
Samantala, matapos ang 30 minuto na pananatili nila sa stock room, wala na silang ingay na naririnig kung kaya’t nagdesisyon silang lumabas.
Pero biglang nakarinig na naman sila ng putok ng baril kung kaya’t nagtago muli sila sa stock room.
Dito na nila narinig ang sunod-sunod na putok ng baril sa labas ng mall.
Aniya, sa oras na ‘yon ang tumatakbo na lamang daw sa isip niya ay katapusan na ng kanilang buhay.
Umabot pa ng hanggang alas-12:00 ng hatinggabi sila bago nakalabas sa stock room shopping mall na pinagtaguan nila.
Tinatayang dakong alas-8:58 na ng umaga nang napatay daw ng mga security forces ang suspek.
Labis naman ang pasasalamat ni Baloquing na ligtas na sila mula sa nangyaring insidente na ikinamatay ng 29 katao at nasa 57 naman ang sugatan.
Kabilang sa pinatay ng gunman na junior army officer ang isa sa kanyang opisyal.
Kinailangan pang dalhin ng mga otoridad ang ina ng suspek upang payapain sana ito sa ginawang shooting rampage na inabot ng 18 oras na tension.