-- Advertisements --

Isang malaking karangalang hinding hindi makakalimutan.

Ganito inilarawan ng Pinay nurse na ginawaran ng George Cross award sa United Kingdom ang kaniyang nararamdaman matapos nito makamit ang naturang parangal kung saan personal na ito na iginawad ni Queen Elizabeth 2.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay May Parsons, sinabi nitong magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito makapaniwala na siya ang napili bilang kinatawan ng National Health Service, ang healthcare service ng UK maging ang mairepresenta ang buong commuity ng Filipino nurses.

Ang George Cross ay siyang pinakamataas na civilian award na binibigay ng British government bilang pagkilala sa katapangan, pagiging mahabagin at dedikasyon ng mga empleyado sa panahon ng pandemya.

Saad pa nito malaki ang kaniyang pasasalamat dahil unti-unti na ring nabibigyan ng pagkilala ang kabayanihan nilang mga Filipino nurses sa buong mundo.

Matatandaang si Parsons ang siyang kauna-unahang nagturok ng COVID-19 vaccine sa buong mundo noong Disyembre 8, 2020.

Dagdag nito na napili ito para makapagturok ng naturang bakuna dahil sa pagiging aktibo nito sa naging flu vaccination sa kanilang ospital at pinakamaraming naiturok na bakuna sa buong taon.

Pagdidiin pa nito na malaki ang tiwala nito na sa epekto ng mga bakuna kung kaya naman hinhimok din nito ang publiko na tangkilikin ang mga Covid-19 vaccine bilang isang epektibong proteksyon laban sa nagpapatuloy pa ring pandemya.