-- Advertisements --

LA UNION – Matindi ang paghihinagpis ngayon ng pamilya ng isang Pinay nurse na namatay sa COVID 19 sa bansang United Arab Emirates (U.A.E).

Nakilala ito sa pangalang Leslie Ocampo Concepcion, 32, isang homecare nurse, at tubo ng Nagrebcan, Luna, La Union.

Base sa salaysay sa Bombo Radyo La Union ng isang kamag-anak ni Leslie na si Rolidel Concepcion, posible aniyang nahawa ito sa sakit na COVID 19 sa mga katrabaho niya na na-quarantine din dahil sa virus.

Sinabi ni Concepcion, na nagpositibo sa COVID test si Leslie noong May 1, ngunit naka-recover umano ito.

Nagulat na lamang ang pamilya nito nang ipaalam ng kanilang kompanya noong May 12 na patay na si Leslie dahil sa COVID 19.

Inulila ng biktima ang kanyang asawa na si Julius Concepcion at isa nilang anak.

Sa ngayon ani Rolidel, ipinoproseso na ng embahada ng Pilipinas sa U.A.E. ang mga kinakailangang dokumento para maiuwi na sa bansa ang cremated na bangkay ng nasabing nars.