ILOILO CITY – Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Kuwait na isa na namang Pinay nurse ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Vice Consul Adrian Baccay ng Philippine Embassy sa Kuwait, sinabi nito na nagpositibo ang Pinay nurse matapos na mahawaan ng kanyang amo na may travel history sa bansa na may kaso ng COVID-19.
Ayon kay Baccay, nagdadalang tao pa sa kanyang kambal na anak ang nasabing nurse nang madiskubreh na nagpositibo siya sa COVID-19.
Ani Baccay, ngayong linggo lang nanganak ang nasabing nurse at nasa maayos na kondisyon na ang mga sanggol.
Dagdag pa ni Baccay, sa ngayon naka-confine na sa isang ospital sa Kuwait ang Pinay nurse at patuloy na mino-monitor ang kanyang kondisyon at ng walo pang mga overseas Filipino workers na nahawaan rin ng COVID-19.
Napag-alaman na umabot na sa 417 ang kabuang numero ng nagpositibo sa COVID-19 sa Kuwait.