CAUAYAN CITY – Namatay ang isang Pinay nurse supervisor sa Los Angeles, California, U.S.A. matapos mahawaan ng coronavirus disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ninna Bejarin Rockefeller, Pinay nurse supervisor, kanyang sinabi na kasamahan niya sa pinagtatrabahuan niyang hospital ang nasawing kababayan.
Aniya, kagagaling lamang nito sa eye surgery subalit agad bumalik sa trabaho pangunahin na sa kanilang COVID unit.
Bago ang pagkamatay nito ay nakapag-usap pa sila at sinabing hindi na niya kaya ang itinalagang trabaho sa COVID-19 ward.
Agad namang binawian ng buhay habang inoobserbahan ang kanyang kondisyon.
Idinagdag pa ni Rockefeller na nagpositibo rin sa COVID-19 ang kanilang director nurse na isa ring Pinay bukod pa sa mga health workers sa hospital na kanilang pinagsisilbihan.
Dahil dito ay naglabas na ng direktiba ang mga opisyal ng Los Angeles, California sa mga health workers na kinakailangang sumailalim sa COVID test at kung magpositibo ay hindi papayagang magtrabaho sa clean area ng pagamutan at mananatili muna sa COVID unit para makontrol ang virus.