-- Advertisements --
emma beirut
Erma Flores workplace in Beirut

CEBU CITY – Itinuturing ngayon ng isang Pinay OFW na binigyan siya ng ikalawang buhay matapos makaligtas sa nangyaring pagsabog sa Beirut, Lebanon.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Erma Flores, tubong Sablayan, Occidental Mindoro at kasalukuyang nagtatrabaho sa Lebanon, nag-aabang siya ng bus pauwi nang nakaramdam siya ng pagyanig sa lupa at sinundan naman ng malakas na pagsabog.

Bigla na lang daw siyang nataranta at natatakot dahil nagkagulo na ang mga taong nakasalubong niya at mga duguan na bata’t matatanda.

Nasira pa ang mga building at basag ang mga salamin na tumama sa ilang mga residente sa paligid.

Samantala, nilalakad na lang umano nito ang daan pauwi sa kadahilanang wala ng masasakyang bus dahil ginamit ang mga ito sa pagkarga ng mga sugatan at duguan.

Malaki pa rin ang pasasalamat nito sa Panginoon dahil sa ikalawang buhay na ibinigay lalo at ligtas pa rin itong nakauwi.

Nanawagan din siya sa lahat na manatiling kalmado at ipagpatuloy pa rin ang pananampalataya sa Diyos ngayong may kinakaharap ding pandemic ang buong mundo.