Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagkamatay ng isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia.
Kinilala ng ahensiya ang nasawing OFW na si Marjorette Gonzales Garcia na isang domestic worker na dumating sa nasabing bansa noong 2021 at tubong San Jacinto, Pangasinan.
Base sa inisyal na impormasyon, lumalabas na mayroong foul play sa pagkamatay ng OFW dahil sa nakitang mga saksak sa katawan ng biktima. Inaantay pa sa ngayon ang autopsy report.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Dagupan kay Titay Biay Gonzales, ina ng nasawing Overseas Filipino Worker, sinabi nito na Setyembe 15 nang huli nila itong nakausap.
Noong Setyembre 17 nang natanggap nila ang malungkot na balita mula sa mga kaibigang OFW ni Marjorette na pumanaw na ang kaniyang anak at pinapauwi sa Pilipinas ang labi nito.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na ang DMW sa pamamagitan ng Migrant Workers Office in Al-Khobar Saudi Arabia (MWO-Al Khobar) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Embahada ng Pilipinas doon sa Riyadh, Saudi Arabia gayundin sa mga local police authorities sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga pangyayari sa likod ng pagkamatay ng OFW.
Inaasikaso na rin ng nasabing mga ahensiya sa pakikipag-ugnayan sa pamilya ni Marjorrete para maiuwi ang labi nito sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Nagpaabot naman ng buong pusong pakikiramay ang DMW sa pamilya at mahal sa buhay na naulila ng nasawing OFW.
Tiniyak din ng ahensiya ang patuloy na suporta sa pamilya ng OFW sa panahon ng kanilang pagluluksa at sa nagpapatuloy na imbestigasyon.