-- Advertisements --

Pinili ng pambato ng Pilipinas sa Tokyo Olympics na si Yuka Saso ang pagiging Japanese citizen.

Sinabi ng 20-anyos sa kanyang pahayag kasabay ng torneyo sa Toto Japan Classic sa Shiga Prefecture na kanyang unang JLPGA event na mas pinili niya ang Japan dahil sa nationality law nito.

Sa ilalim ng Japanese nationality law kinakailangan na mamili ang mga indibidwal na may dual citizenship kung ano ang kanilang magiging nationality pagtuntong nila sa edad na 22.

Ang ina kasi ni Yuka ay isang Pinay habang ang ama naman ay Japanese national.

Kung maalala, dinala ni Saso ang Pilipinas mula pa ng siya ay magsimulang makilahok sa mga palakasan sa ibang mga bansa bilang junior golfer, bilang isang amateur, maging sa Asian Games sa Jakarta noong 2018 at nitong nakaraang 2020 Tokyo Olympics.

Siya rin ang kampeon 2021 US Women’s Open at kasalukuyang world’s No. 6 matapos ang paglahok sa Founders’ Cup sa New Jersey kung saan pumuwesto siya sa fourth place.