Ikinuwento ni Pinay Para-archer Agustina Bantiloc ang naging karanasan sa pagsali sa Paris Paralympics.
Si Bantiloc ay ang pambato ng Pilipinas sa Women’s Individual Compound sa Paris Para-Games.
Pagkukuwento ni Bantiloc, bagaman hindi siya pinalad na makapasok sa mas matataas na round hanggang sa medal finish, natutuwa pa rin ito na nagawang katawanin ang Pilipinas sa pinakamalaking turneyo para sa mga para athlete.
Hindi umano niya hinayaang maging balakid sa kanya ang mga pagkakamali sa mga unang pagsabak nito, bagkus ay nag-pokus lamang siya sa susunod na stage.
Naging malaking hamon din aniya sa kaniya ang ibang klima sa Paris kung saan ginanap ang kompetisyon.
Ayon kay Bantiloc, naka-apekto sa kanyang performance ang malayong mas malamig na panahon sa siyudad kumpara sa Pilipinas kung saan siya nagsanay, kasama na ang medyo mahangin na paligid.
Ito ang unang pagkakataon na nakasali si Bantiloc sa Paralympics. Matatapos naman ang naturang turneyo bukas, Setyembre 8, 2024.