LEGAZPI CITY – Kinabibiliban sa ngayon ang Pinay pet lover sa bansang Morocco na nasa anim na taon ng nagsasagawa ng feeding program para sa mga hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gina Masamayor Campo, Filipino Community Leader sa Morocco, matagal na umano siyang pet lover at mahilig talagang mag-alaga ng mga aso at pusa kahit noong nasa Pilipinas pa.
Anim na taon na ang nakakalipas ng simulan nito ang pagpapakain sa mga nakikitang hayop sa kalye sa tulong ng kanyang asawa.
Ayon kay Campo, nasa P2,500 hanggang P3,000 na ang kanyang nagagastos bawat linggo para sa pagpapakain ng umaabot na sa 300 na mga aso at pusa sa Morocco.
Subalit hindi nito alintana ang gastos lalo pa at malaking kasiyahan naman ang naibabalik sa kanya habang nakakatanggap rin ng mga papuri mula sa mga kapwa Pinoy at mga dayuhan.