Labis labis ang pagkadismaya ng isa sa mga atleta ng Pilipinas na sasabak sa 2020 Tokyo Paralympics matapos na hindi matuloy dahil sa nahawa sa COVID-19.
Una rito kinumpirma ni Philippine Paralympic Committee (PPC) president Michael Barredo na dinapuan ng virus si Filipina powerlifter Achele Guion.
Dahil dito maging ang kanyang coach na si Antonio “Tony” Taguibao ay hindi na rin makakasama sa delegasyon kung saan ngayong araw ang opening ceremony sa Tokyo, Japan.
Sinasabing sobra raw ang “frustrations” ni Guion bunsod ng kabiguan nitong maging kinatawan ng Pilipinas makaraan ang matagal din na paghahanda sa Paralympics.
Tutungo sana ito sa Tokyo dala ang inspirasyon sa naging panalo rin ng gold medal ni Hidilyn Diaz sa weigthlifting.
“Jinky is deeply frustrated that she will not be able to compete in her powerlifting event for her country after training for so long, and especially getting much inspiration from Hidilyn Diaz,” ani Barredo sa statement. “Despite this most unfortunate development, all our para athletes remain in high spirits and committed to give their best possible performances to bring honor and glory for our country.”
Sa ngayon limang mga Pinoy athletes na lamang ang sasabak sa paralympics na kinabibilangan ni wheelchair racer Jerrold Mangliwan na lalaban sa tatlong events na men’s 400m, 100m, and 1500m.
Ang swimmer na si Ernie Gawilan ay dadalhin naman ang bandila ng Pilipinas sa men’s 200m individual medley (IM), 400m freestyle, at 100m backstroke.
Ang isa pang swimmer na si Gary Bejino ay nasa apat namang events ang sasalihan na kinabibilangan ng men’s 200m IM, 50m butterfly, 400m freestyle, at 100m backstroke.
Ang isa pang atleta na si Jeanette Aceveda ay sasabak sa women’s discus throw event habang ang taekwondo jin na si Allain Ganapin ay tatangkain namang makasungkit ng medalya sa men’s K44-75kg division.