Natagpuang patay at naagnas na ang katawan ng isang Pinay sa Kuwait na dalawang buwan nang nawawala.
Kinilala ang nasawing Pinay na si Dafnie Nacalaban.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ang nasawing OFW ay 5 taon ng nagtratrabaho sa Kuwait. Sinabi din aniya ng employer ng Pinay na umalis umano siya noong Oktubre na huling pagkakataon din na nakausap siya ng kaniyang pamilya.
Nauna na ngang napaulat na natagpuan ang labi ng Pinay worker sa bakuran ng bahay ng kaniyang amo noong Disyembre 31, 2024 matapos i-turn over sa mga awtoridad ang suspek ng kaniyang sariling kapatid na nagresulta naman sa pagkakadiskubre ng bangkay ng Pinay victim. Nasa kustodiya na ngayon ang suspek na may naunang criminal record.
Ibinahagi ng kapatid ni Dafnie na si Michael na plano ng kaniyang kapatid na umuwi sa Pilipinas noong Disyembre subalit nangyari ang krimen.
Ayon kay Sec. Cacdac, hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang relasyon ng naarestong prime suspect sa biktimang Pinay worker at wala pa aniyang timeline kung kalian siya napaslang.
Sa kabila nito, mayroon na aniyang abogado na nakatutok sa kaso at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Kuwaiti prosecution para malitis, mausig at magkaroon ng hustisiya ang pagkamatay ng Pinay worker.
Matatandaan na sa nakalipas na mga taon, ilang OFWs na ang napatay sa Kuwait kabilang dito ang karumal dumal na pagpatay sa Pinay worker na si Jullebee Ranara na pinaslang ng anak ng kaniyang amo. Natagpuan siyang patay sa isang desert sa Kuwait noong Enero 21, 2023 matapos gahasain, patayin, sunugin saka itinapon sa disyerto.