Ang kani-kanilang sariling pamilya ang pinaglaanan ng oras ng Fil-Am model na si Kelsey Merritt at Fil-German Miss Universe 2015 na si Pia Wurtzbach sa Pasko ngayong taon.
Sa post ng Pinay supermodel, matapos ang pagiging abala bilang global fashion icon ay nagawa nitong makauwi sa Pampanga kung saan nakatira ang kanyang pamilya.
Nag-post ito ng black-and-white photo niya at ng kanyang pamilya na nilagyan ng caption na: “Merry Christmas everyone! So grateful I get to spend this holiday with my family in the Philippines.”
Taong 2018 nang gumawa ng kasaysayan si Meritt bilang unang Pinay na rumampa sa runway ng Victoria’s Secret.
Bakas naman ang “at home” na pakiramdam ni Wurtzbach nang makatulog uli sa piling ng kanyang pamilya sa United Kingdom.
Pag-amin ng pangatlong Pinay Miss Universe, pinili nila na sa bahay na lamang mag-bonding kaysa mag-hotel pa na limitado ang oras.
“Ang saya gumising ng di kailangang mag-glam at magplantsa ng aking sirena hair (who’s with me?! Hahaha) and also to go to the supermarket leisurely without having to rush. It’s Back-to-Basics Pia and I’m loving every second of it,” ani Wurtzbach.
Taong 2015 nang gumawa ng kasaysayan ang Cagayan de Oro beauty nang maibigay muli sa Pilipinas ang Miss Universe crown matapos ang 42 taon.