PASAY CITY – Labis ang panghihinayang ni Erleen Ann Ando na hindi niya nasungkit ang gintong medalya sa women’s 64kgs weightlifting competition sa nagpapatuloy na SEA Games sa Rizal Memorial Stadium.
Sa kanyang huling buhat para sa 120 kgs sa clean and jerk, natawagan ito ng “no lift” matapos maabutan ng “one minute rule.”
Ito sana ang unang gintong medalya ng Cebuana weightlifter at unang SEA Games appearance.
Bagamat nagtapos sa silver medal, masaya na rin siya dahil nagkamedal siya sa biennial sporting meet.
Sa panayam kay SWF President Monico Puentevella, sinabi nitong nagkakaroon talaga ng ganyang pangyayari sa mga international tournaments.
Wala naman dapat sisihin dahil magagaling ang mga judges.
Anya, pag-iigihan na lang nila ni Ando na mag-ensayo para sa mga susunod pa niyang sasalihang kompetisyon.
Para naman kay Olympian silver medalist at SEA Games gold medalist Hidilyn Diaz sinabi nito sa Bombo Radyo na hindi nya mapigilang lumuha sa kinasapitan ni Ando.
Pahayag ni Diaz, nararamdaman nya ang nararamdaman ni Ando dahil abot kamay na niya ang ginto ngunit nasulot pa.
Sa susunod na linggo biyahe si Ando papuntang China para sa Olympic qualifying event, pagkatapos sa China biyahe naman sila ng Rome para sa isang kompetisyon bago tutulak ng Kazahkstan para sa huling Olympic qualifying tournament. (Story by Bombo Ronald Tactay)