Magkahalong mga beterano, rookie, at collegiate players ang bubuo sa roster ng Philippine national basketball team na sasabak sa unang window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa susunod na buwan.
Sa anunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng PBA, ang 24-man line-up ng Gilas Pilipinas ang siyang magiging laman ng national pool na haharap sa mga koponan ng Indonesia at Thailand.
Sasalang muli sa national tour duty sina Marc Pingris, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Kiefer Ravena, Poy Erram, Matthew Wright, RR Pogoy, Ray Parks, CJ Perez, Mac Belo, at Christian Standhardinger makaraang isuot ang national tri-colors sa nakalipas na mga FIBA competitions.
Kabilang din sa pool ang mga collegiate players na sina Kobe Paras, Juan Gomez de Liaño, Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, Dwight Ramos, at Justin Baltazar.
Tatampok din ang PBA rookies na napili sa special Gilas draft na sina Isaac Go, Rey Suerte, Matt Nieto, Allyn Bulanadi, at Mike Nieto, maging ang mga UAAP stars na sina Thirdy Ravena at Jaydee Tungcab.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, naisapinal ang pool noong board meeting ng liga nitong Huwebes kasama si SBP president Al Panlilio.
Gayunman, sinabi ni Marcial na hindi pa raw napagpapasyahan ng SBP kung sino ang tatayong interin coach para sa first window kung saan kakalabanin ng Pilipinas ang Thailand sa Pebrero 20, at Indonesia sa Pebrero 23.