-- Advertisements --

NAGA CITY- Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa natagpuang pinira-pirasong katawan ng isang lalaki sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Staff Sgt, Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan-PNP, sinabi nitong ilang residente ng Barangay Potot ang nakapansin sa nagpapalutang-lutang na sako sa ilog na sakop ng naturang lugar.

Nang buksan aniya ang sako, doon na bumulaga sa mga residente ang ilang bahagi ng pinutol na katawan ng tao.

Samantala, ayon kay Organis, natagpuan din sa katabing barangay ang isa pang sako kung saan doon nakasilid ang ulo at ilan pang bahagi ng katawan ng biktima.

Pahirapan din aniya ang pagkilala sa biktima dahil halos hindi na makilala ang mukha nito.

Sa ngayon, dinala na sa sementeryo ang naturang mga bahagi ng katawan dahil sa masangsang na amoy.