Inabswelto ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nasa ilalim ng Office of the President (OP) ang pangalan ni Agriculture Sec. Many Piñol sa sinasabing hindi maipaliwanag na taglay nitong yaman.Â
Sa inilabas na pahayag ni PACC chairman Dante Jimenez, sinabi nitong batay sa pitong buwang lifestyle check na isinagawa nila kay Piñol, wala silang nakitang anumang dahilang magdidiin sa opisyal sa nasabing paratang.
Ayon kay Jimenez, kusang-loob na nagpasailalim si Piñol sa lifestyle check at imbestigasyon ng PACC kasunod ng mga alegasyong nakikinabang umano siya sa mga transaksyon sa Department of Agriculture (DA).
Inihayag ni Jimenez na kusa rin umanong binuksan ni Piñol ang kanyang mga bank accounts at financial documents para mabusisi ng PACC katuwang ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), NBI, LTO, Land Registration Authority (LRA), PNP, Civil Security Group, PNP-Firearms and Explosives Office at iba ang kaukulang ahensya ng gobyerno.
Nakatakdang isusumite ng PACC kay Pangulong Duterte ang resolusyong naglilinis sa pangalan ni Piñol sa anumang paratang at pananagutan.