-- Advertisements --

Magpapatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ng makabagong sistema para sa mas masusing assessment ng mga karapat-dapat na benepisyaryo ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Ito ay kasunod ng naging pagpupulong ng mga naturang ahensya para pagusapan ang mga maaari pang improvements ng programa.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nagdisenyo ng makabagong siste ang kanilang ahensya ayon sa naging veto message ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayon na tugunan ang mga pangangailangan ng mga maapektuhan ng inflation na mga kumikita ng mas mababa pa sa minimum na sahod.

Dito ay mas masusukat umano kung talagang ang mga benepisyaryo ay naaapektuhan ng inflation o ng mga lumalalang presyo ng mga bilihin sa merkado.

Samantala, siniguro rin ni Gatchalian na ang mga guidelines ng programa ay mailalayo sa mga political influence para maiwasan ang mga isyu ng pamumulitika ng pera ng bayan.

Patuloy naman ang ginagawang pag-amyenda ng mga ahensya sa mga polisiya at sistema ng pagkilala ng mga benepisyaryo ng naturang programa.