Gumawa ng record ang Pinoy archer mula Baguio City na si Alon Yuan Jucutan sa 2023 World Youth Archery Championships na ginanap sa Limerick, Ireland. Nakapagtala ito ng panibagong Philippine record sa Under 18 Men’s Compound category kung saan nakakuha ito ng 673 points. Nagtapos din si Jucutan bilang rank no. 9 kung saan ito na ang best ever finish para sa isang Pinoy archer sa nasabing torneo.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 17-year-old Pinoy archer, inamin nito na hindi niya inasahan na makapasok sa top 10 ng kompetisyon dahil halos isang buwan lamang ang kanilang ginawang preparasyon at ito pa lamang ang kanyang unang pagkakataon na lumahok sa isang international competition.
Sinabi pa nito na naging problema rin niya ng mabali ang kanyang ginagamit na arrow rest bago ang kompetisyon sa Ireland. Gayumpaman nagpasalamat ito dahil meron itong nahiram sa kanyang teammate na may dalang spare at naayos rin ito at nakapagpatuloy sa paglalaro.
“Nag-start kami ng training, a month before [ng kompetisyon]. Kaming buong team sama-sama [sa training]. Napakahirap ng ginawa naming training. Buong araw kami nagte-training para dun [sa kompetisyon]. Umaga hanggang hapon. Talagang kailangan maging disciplined para masabi mong handa ka na talagang lumaban sa ganung klaseng kompetisyon. Masaya po ako. Sobrang dami ng natutunan, kasama na ang record na nakuha ko. Pinaghirapan ko po ng sobra, kaya masaya po ako sa nagawa ko sa kompetisyon.”
Si Jucutan ay miyembro ng University of Baguio Archery Varsity team.
Naging matagumpay nga ang kampanya ng National Youth team dahil maliban kay Jucutan, nakapagtala din ng dalawang records si Gwyneth Garcia sa Under 18 Women’s Compound at si Jonathan Reaport sa Under 21 Men’s Recurve category.