-- Advertisements --
hong kong protest rally 1

Binalot ng usok mula sa teargas ang Causeway Bay sa Hong Kong matapos itong maging battleground sa muling sagupaan na nangyari sa pagitan ng mga otoridad at anti-government protesters.

Nakaisip ng bagong istratehiya ang mga nagpoprotesta kung saan tila urong-sulong muna ang mga ito sa pag-atake upang magdulot ng pagkalito sa kapulisan kung ano ang kanilang susunod na magiging hakbang.

Muling hinarangan ng mga ito ang ilang kalsada na nagdulot ng malalang traffic sa lungsod.

Ilang basurahan naman ang kanilang sinunog at ibinato sa mga otoridad.

Umabot na sa 60 katao ang nadakip habang 44 apat naman ang nahaharap sa kasong rioting kung saan maaari silang makulong ng hanggang 10 taon.

Kabilang sa nahuli ang 36-anyos na Pilipino na isang parade dancer sa Hong Kong Disneyland.

Giit ng Pinoy na hindi siya kasali sa mga nag-aalsa at nadamay lamang daw ito.

Ayon naman kay Germinia Aguilar-Usudan, Philippine deputy sa Hong Kong, inaresto ang Pinoy matapos daw itong magsuot ng itim na damit habang patungong convenient store upang bumili ng pagkain.

Nakiusap din daw ito na huwag nang magbigay ng impormasyon tungkol sa kaniyang pagkakakilanlan dahil inaalala raw nito ang kalagayan ng kaniyang ina na nasa Pilipinas.

Dalawang Hong Kong lawyers naman ang tumutulong sa kaniya ng libre upang makalaya.