Inanunsiyo ngayon ng Philippine Olympic Committee (POC) na bibili na rin ng mga COVID-19 vaccines para sa mga mga atleta na bahagi ng Team Philippines na sasabak sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam sa huling bahagi ng taong kasalukuyan.
Ayon kay POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, magandang balita raw ito para sa mga atleta dahil sa gagawing puspusang training ay mawawala na ang labis na takot sa COVID-19.
Ikinatuwa rin ito ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez, na siyang chef de mission ng delegasyon ng Pilipinas.
Sinasabing bibili ang POC ng mga bakuna mula sa $40,000 subsidy na manggagaling sa Olympic Council of Asia.
Itinalaga naman si POC first vice president Al Panlilio na siyang mangangasiwa sa task force para sa vaccine procurement.
Umaabot sa 626 athletes ang ipapadala ng Pilipinas sa Hanoi SEA Games upang depensahan ang hawak na korona.