Lubos ang kagalakan ng four-time World Cup Bowling Champion na si Rafael “Paeng” Nepomuceno sa bagong pagkilala na ibinigay sa kanya ng Guiness Book of World Records matapos na mabasag nito mismo ang sariling record bilang winningest tenpin bowler kung saan sa kasalukuyang ay meron na itong 133 career titles.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa bowling legend na si Paeng, sinabi nito na inaalay niya sa mga kababayan at sa mga aspiring athletes ang natanggap na bagong karangalan.
Ikinagalak din nito na ito ay nakapagbigay ng mabuting balita sa sports sa kabila ng mga negatibong epekto ng nagpapatuloy na pandemya sa buong mundo.
Dagdag pa nito na wala na itong mahihiling pa sa halos limang dekada niya sa larangan ng bowling at nagsisilbing “icing on the cake” na lamang ang mga natatanggap nitong parangal at pagkilala.
“Siyempre, masayang masaya ako na kahit na pandemic, nagkaroon ng good news sa sports and inaalay ko lahat ng ito sa ating mga kababayan and to all aspiring athletes, and I’m happy that the Guiness has recognized my 133 career titles in 50 years. Alam mo, nag-umpisa ako nung 1970 diyan sa Baguio. Fifty years later, ngayong 2020, parang ‘icing on the cake’ na maparangalan ulit ako after 50 years. “
Napanalunan ni Nepomuceno ang kanyang ika-133rd career title sa Playdium Tenpin Bowling Association Mixed Open sa Quezon City noong nakaraang taon.
Ang ilan nga sa mga unbroken records na hawak ni Paeng sa Guinness Book of World Records ay ang mga sumusunod; Youngest World Tenpin Bowling Champion, Most World Cup Won in Different Decades at ang Most World Titles in a Career.
Sa kasalukuyan, si Nepomuceno rin ang adviser ng Philippine Men’s and Women’s National Bowling team.