-- Advertisements --

Umani ng pagbati mula sa iba’t-ibang boksingero ng bansa ng pag-angat ng ranking sa World Boxing Organization ni Pinoy super bantamweight champion Carl Jammes “Wonder Boy” Martin.

Base kasi sa inilabas na ranking ng WBO ay nasa number 2 na ang boksingero mula sa Lagaw, Ifugao.

Nangunguna pa rin sa puwesto si Japanese sensation Naoya Inoue habang nasa pangatlong puwesto si Sam Goodman.

Mayroong 24 panalo at wala pang talo na may 19 knockouts si Martin habang si Inoue ay mayroong 28 panalo at wala pang talo at si Goodman naman ay mayroong 19 panalo at wala pang talo.

Isa ngayong malaking hamon para kay Martin ang matapatan si Inoue na undisputed champion sa apat na major title sa WBO, WBC, IBF at WBA.

Noong Disyembre ay pinatumba ni Martin si Chaiwat Buatkrathok ng Thailand para makuha ang WBO Global super bantamweight title sa laban na ginanap sa Pilipinas.

Nananatiling nakatuon ngayon ang atensyon niya sa title eliminator dahil ang Pinoy boxer na si Marlon Tapales ang nangungunang itinuturong malakas na makakaharap ni Inoue.