-- Advertisements --

PICC, Pasay City – Itinuturing ni Pinoy light flyweight Carlo Paalam na magandang regalo ngayong Pasko ang kanyang panalo sa nagpapatuloy na SEA Games 2019.

Kasunod ito ng impresibong panalo ni Paalam kontra sa mahigpit na karibal na si Mohd Redzuan Muhammad Fuad ng Malaysia.

Sa kanilang semifinal bout ay nanaig ang boksingero na tubong Cagayan De Oro, kung saan nabilangan pa ng 8-standing count ang Malaysian boxer.

Sinabi ng 21 anyos na boksingero na naipaghiganti na niya ang kanyang masaklap na pagkatalo noong 2017 SEA Games kung saan ay nadaya raw siya.

Si Paalam, na bronze medalist sa 2019 Indian Open, ay makakalaban si Langu Kornelis Kwangu sa darating na Lunes, Disyembre 9, para sa gold medal game.

Samantala, hindi pa rin nakakabawi si Ian Clark Bautista sa kanyang pagkatalo Kay Butdee Chatchai Decha ng Thailand.

Sa kanilang salpukan para sa gold medal round ay natalo si Bautista sa pamamagitan ng unanimous decision.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bautista, sinabi nitong isang beses pa lamang niya natatalo ang Thai boxer, at ito ay noon pang idinaos ang SEA Games sa Singapore.

Bagamat mai-uuwi ang bronze medal, mas maganda umano ayon kay Bautista kung gold medal ang naibigay niya sa bansa.

Pero aniya, mag-eensayo siya ng mabuti para sa mga susunod pang kompetisyon.

Ang Pinay boxer na si Aira Villegas ay bigo ring maka-usad sa finals.

Nagkasya sa bronze medal ang Waray boxer matapos talunin siya ni Techasuep Nilawan ng Thailand.

Lalaban din para gold medal round si Josei Gabico kontra Kay Thi Diem Kieu ng Vietnam para sa 48kg light flyweight class, habang si Felix Marcial ay masusubukan ang boksingero ng Malaysia na si Che Azmi Mohd Aswan para sa 75kg middle weight division. (By: Bombo Ronald Tactay)