Hindi na pinatagal ni Eumir Marcial ang laban at agad na tinapos sa pamamagitan ng technical knockout o referee-stopped-contest (RSC) sa unang round pa lamang sa nagpapatuloy na Tokyo Olympics.
Sa pagsisimula pa lamang ng laban sa loob ng isang minuto ay pinabagsak ni Marcial si Younes Nemouchi ng Algeria dahilan para bilangan ito ng referee ng eight count.
Ang sumunod na pangyayari ay pumagitna ang referee nang magkaroon ng accidental headbutt ang dalawa at dumugo ang taas ng kanang mata ng Algerian.
Sa huli itinigil ng referee ang laban sa oras na 2:41 minuto sa opening round.
Kung maalala bago pa man umakyat ng ring ay marami na ang humuhula kay Marcial na aabot ito ng finals lalo na at sumabak na rin ito sa professional fight noong buwan ng Disyembre at nag-training sa ilalim sa Hall of Famer coach na si Freddie Roach doon sa Los Angeles, California.
Bunsod ng panalo ni Eumir, uusad na siya sa quarterfinals at makakaharap ang Armenian star na si Arman Darchinyan sa August 1 sa 69-75 kg division.
Kung sakaling manalo pa si Marcial ay sigurado na ang bronze medal upang sundan din ang yapak ni Nesthy Petecio na tiyak na rin ang bronze medal.
Kung maalala si Petecio ay lalaban na sa Sabado sa semifinals.
Sinasabing ang kalaban ni Marcial ay pamangking lalaki ng dating world champion na si Vic Darchinyan.