Ipagpapatuloy pa rin ni Filipino boxer Jerwin Ancajas ang pag-eensayo kahit na hindi natuloy ang laban nito kay Kazuka Ioka ng Japan.
Nagpasya kasi ang Japan na ipagpaliban ang laban ng dalawa sa Disyembre 31 dahil sa pagsasara ng nasabing bansa ng kanilang border bunsod ng banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Sinabi ng IBF junior bantamweight champion na medyo nalungkot sila naging desisyon ng gobyerno ng Japan.
Mula pa noong 2016 ay kanila na itong inaasam matapos siyam na beses na pagdepensa ng titulo.
Hindi lamang ito ang unang beses na ipinagpaliban ang laban nito dahil dalawang beses din na naantala ang title defense nito kay Jonathan Rodriguez bago tuluyang tinalo nito ang Mexican boxer noong Abril.
Ayon naman sa coach ni Ancajas na si Joven Jimenez, sanay na sila sa mga naantalang laban kaya ang kanilang pinagkakaabalahan ngayon ay ang patuloy na ensayo.